-- Advertisements --

Umabot na sa 11,460 pamilya ang natukoy na apektado ng pananalasa ng bagyong Wilma, ang ika-23 bagyong pumasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong taon.

Ito ay katumbas ng 28,850 katao mula sa kabuuang 63 barangay.

Batay sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Disaster Response Management nitong Disyembre 6 ay 125 pamilya na binubuo ng 358 katao ang dinala sa mga evacuation center.

Umabot na rin sa walong evacuation center ang binuksan, habang inihahanda ang iba pa para sa posibleng mas malawakang paglikas.

Pangunahing naaapektuhan ng pananalasa ng bagyong Wilma ang Bicol Region, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at Caraga Region.

Nananatiling available ang mahigit P2.13 bilyon na halaga ng pondo at resources para sa mga biktima ng naturang bagyo.

Ito ay binubuo ng mahigit P2 bilyon na halaga ng food at non-food items, at halos P80 milyon na quick response fund. Nakapaghatid na rin ang ahensiya ng halos P800,000 na halaga ng humanitarian assistance sa mga apektadong residente. (Genesis Racho)