Isinugod na sa pagamutan sa Jakarta ang transport minister ng Indonesia makaraang dapuan ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay State Secretary Pratikno, tinukoy bilang Case 76 si Minister Budi Karya Sumadi sa nakalipas na anunsyo ng Health Ministry.

Kasalukuyan nang ginagamot si Budi sa Gatot Subroto Army Hospital.

Hindi naman nagbigay pa ng karagdagang detalye ang opisyal, partikular kung kailan dinala sa ospital si Budi.

Pero aniya, nagsagawa na raw ng contact tracing ang health ministry sa mga nakasalamuha ni Budi, at sasailalim din agad ang mga ito sa pagsusuri.

Nitong Miyerkules nang napaulat na dumalo pa sa pulong ng Gabinete ang opisyal.

Samantala, sinabi ni Pratiko na itinalaga ni President Joko Widodo si Coordinating Maritime Affairs and Investment Minister Luhut Pandjaitan bilang pansamantalang hahalili kay Budi.

Sa pahayag naman ng mga doktor mula sa Gatot Subroto Army Hospital, patuloy na bumubuti ang kondisyon ng 63-anyos na si Budi.