Kinumpirma ni Commission on Election (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia na si Sebastian “Baste” Duterte ang magsisilbing pansamantalang alkalde ng Davao City, dahil ang kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay hindi makakapanumpa at makakaupo sa puwesto dahil sa kanyang kasalukuyang pagkakakulong sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Aniya, nasa Department of Interior and Local Government (DILG) na ang desisyon kung hindi nakapag-oath at makaka-puwesto si dating Pangulong Rodrigo Duterte. Kaugnay pa nito base kasi sa Local Government Code, ‘by operation’ ang vice mayor ang pansamantalang magsisilbi bilang alkalde at tatawagin si Rodrigo Duterte bilang Mayor-elect.
Dagdag pa ni Garcia na mawawalan na ng hurisdiksyon ang poll body sa mga halal na opisyal kung wala silang nakabinbing kaso sa komisyon pagsapit ng Hunyo 30.
Ang dating pangulo, sa kabila ng kanyang kasalukuyang pagkakakulong sa International Criminal Court dahil sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang war on drugs campaign, ay nanalo sa pagka-alkalde ng Davao City sa pamamagitan ng landslide votes na may mahigit 600,000 na mga boto.