Inaasahang magiging bahagi ng House prosecution panel ang batikang abogado na si Atty. Lorna Kapunan.
Batay sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Philippines, tutulong ang batikang defense lawyer sa mga kongresista sa kanilang pag-usig kay VP Sara sa Senate impeachment court.
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula kay Atty. Kapunan habang papalapit ang tentative schedule ng pagsisimula ng trial na itinakda ni Senate President Francis Escudero sa July 29, isang araw matapos ang ika-apat na SONA ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Si Kapunan ay isang defense lawyer na may 40 taon karanasan sa law practice. Siya rin ang founding partner ng Kapunan & Castillo Law Offices.
Natapos niya ang kaniyang law degree mula sa University of the Philippines – Diliman at pumasa sa Bar noong 1978.
Ilan sa mga kilalang kliyente ng batikang abogado ay sina Hayden Kho, Rhian Ramos, James Yap, at ang kontrobersyal na tinaguriang “Pork Barrell” queen na si Janet Lim-Napoles.
Ang House prosecution team ay pinamumunuan ni House Minority Leader Marcelino Libanan, isa sa mga batikang abogado sa Kamara. Magiging bahagi rin ng panel ang kapwa law expert na sina Chel Diokno at Leila De Lima