-- Advertisements --

Hindi required o ipinag-uutos na tumugon ang House prosecution panel sa answer ad cautelam o sagot ni Vice President Sara Duterte sa inisyung writ of summons sa kanya ng impeachment court. 

Ito ang sinabi ni Senate President at Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero sa pulong balitaan kung saan aniya bibigyan naman daw ng pagkakataon ang dalawang panig na makapaglahad ng kanilang mga argumento.

Samantala, nagkomento rin si Escudero sa kaliwa’t kanan na ikinakasang pagpupulong ng prosekusyon kaugnay sa impeachment case ni VP Sara. 

Aniya, walang prohibisyon o hindi pinagbabawalan ng Senate impeachment court ang prosekusyon na sagutin sa isang press conference ang kanilang reply sa answer ad cautelam o tugon ni VP Sara sa inisyu na writ of summons sa kanya. 

Dagdag nito, hindi pa naman opisyal na nagsisimula ang paglilitis laban kay VP Sara kaya’t hindi sila pagbabawalan.

Gayunpaman, hindi naman mapagbibigyan ng Senate impeachment court kung humirit ang prosekusyon na magtakda na ng pre trial at trial date para sa impeachment case ni Duterte.

Aniya, magtatapos na kasi sa June 30 ang otorisasyon ng mga Kongresista bilang prosecutor.

dagdag nito, isa pa sa konsiderasyon ay dapat makatugon una ang Kamara sa dalawang hinihingi ng impeachment court.

Ayaw naman pangunahan ng pangulo ng Senado kung ano ang mangyayari sakaling hindi maibigay ng Kamara ang ikalawang requirement dahil desisyon na anya ito ng buong Senate impeachment court.