NAGA CITY- Nanumpa na ngayong araw si dating Vice President at Atty. Maria Leonor Gerona Robredo bilang kauna-unahang babaeng alkalde sa lungsod ng Naga.
Sa kaniyang inaugural address, inilatag ni Mayor Robredo ang kaniyang plano sa mga susunod na taon sa buong panahon ng kaniyang pag-upo bilang alkalde ng Naga City.
Ayon kay Robredo, ito ay naka-focus sa tinatawag na citizen-centered governance, pagpapataas sa kalidad ng buhay ng mga Nagueño at gawing isa sa mga masayahing lugar ang lungsod.
Dagdag pa ni Robredo, ang kanyang kaplanuhan ay nakabase sa walong priority goals o ang tinatawag na 2028 Finish Lines.
Binigyan-diin nang alkalde na ang nasabing Finish Line ay maituturing na daan kung saan ang lahat ng mga Nagueño magiging proud sa kanilang kontribusyon sa komunidad.
Maliban dito, binalikan rin ni Robredo ang mga panahon kung saan nanumpa rin ang kanyang asawa na si Jesse Robredo bilang alkalde ng Naga City noong February 2, 1988.
Binigyang-pugay din nito ang mga nagawa at legasiya na iniwan nang kanyang asawa lalo na ang tinatawag na Tsinelas Leadership.
Samantala, kasama naman ni Robredo ang kaniyang anak na si Aika at Jilian sa nasabing panunumpa.
Sa ngayon, tiniyak na lamang ng opisyal na kaniyang gagampanan ng buong husay ang mandato na ibinigay at ipinagkatiwala ng mga Nagueño sa kanya para sa ikakabuti ng lungsod.