Aminado si Labor Sec. Silvestre Bello III na malaking hamon sa pamahalaan na makumbinseng umuwi ang lahat ng Pinoy workers sa Middle East na naiipit ngayon sa hidwaan ng Amerika at Iran.
Ilang OFW na kasi ang nagpahayag na mananatili sila sa kanilang mga trabaho sa gitna ng naka-ambang giyera.
Kaya naman naglabas na ng P100-milyong na pondo ang DOLE para mapauwi ang mga OFW.
Galing ito sa repatriation budget ng kagawaran na nakapaloob sa kanilang pondo noong 2019.
“If we ask them to join us in the repatriation and hindi sila makikipag-cooperate wala na kaming magagawa. Kung magtatago sila, alangan naman makipag-hide and seek kami sa kanila. Basta there will be an earnest effort to repatriate them,” ani Bello.
Matapos ipagutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mandatory evacuation ng mga Pinoy sa Iraq, kinumpirma ng kalihim na sakop na rin ng pagpapauwi ang mga OFW sa Iran at Lebanon.
Nasa 2.1-milyon ang bilang ng documented Pinoy workers sa buong Middle East, batay sa datos ng DOLE.
Tinatayang nasa higit 60,000 naman ang numero para sa mga undocumented Filipino.
Plano ng Labor officials na magtayo ng evacuation camp sa Saudi Arabia kung saan may pinaka-malaking populasyon ng mga OFW sa rehiyon.
Bukas nakatakda namang lumipad patungong Gitnang Silangan ang Special Envoy to the Middle East na si Environment Sec. Roy Cimatu, na nangakong may contingency plan ang gobyerno sa pagpapauwi ng mga Pilipino roon.
“The two embassies are well aware of the tension there (Middle East) that was yesterday. They have a contingency plan and they have already provisions for eventual repatriation in case. I am happy to report that they are compliant to the master plan for repatriation of the Filipino workers in case there are problems in the Middle East,” ani Cimatu.
Ayon naman kay Sec. Bello, ilang ahensya ng pamahalaan na ang nangako ng pangkabuhayan sa mga OFW na pipiliing umuwi na ng Pilipinas.
Sisikapin naman daw makipag-coordinate ng gobyerno sa ilang estado na maaaring paglipatan ng trabaho ng mga OFW na gugustuhin ng umalis ng Gitnang Silangan.
“We are already fast-tracking our negotiation with alternative countries where we could deploy them. I am talking of: China, Russia, Canada, including Germany… and of course Japan,” ani Bello.
Bukod kay Cimatu, lilipad din sa Middle East ang mga opisyal ng POEA at OWWA para tumulong sa panghihikayat sa mga Pinoy na umuwi na ng Pilipinas.