Pinabulaanan ni Consul General Donna Rodriguez ng Philippine Embassy in Washington DC ang kumalat na impormasyong kailangang i-renounce o talikuran ng mga Pilipino ang kanilang citizenship bago makakuha ng green card sa US.
Paliwanag ng opisyal, sa kabila ng paghihigpit ng Trump administration sa mga migrant at immigrant sa US, wala pa ring pagbabago sa polisiya nito para sa sinumang may dual citizenship.
Pinapayagan pa rin aniya ang mga foreign national na magkaroon ng green card habang hinahayaan din ng gobiyerno ng US ang mga mamamayan nito na magkaroon ng ibang nasyunalidad.
Giit ng opisyal, hindi kailangang talikuran ng mga Pinoy ang kanilang pagka-pilipino kung nais magtrabaho sa US.
Ipinaliwanag din ng Consul General na kapag nakakuha ng green card ang isang Pinoy, napapayagan itong maging permanent resident sa US ngunit hindi siya ituturing bilang US cicizen.
Sa oras na talikuran na aniya ng isang pinoy ang kaniyang citizenship para lamang mabigyan ng green card, magiging ‘stateless’ na ito o tuluyang mawawalan ng estadong kabibilangan.
Ayon kay Rodriguez, naglabas na ang embahada ng sapat na impormasyon upang huwag paniwalaan ang kumalat na maling impormasyon, lalo na at nasa kalagitnaan ng paghihigpit ang US immigration.
Hinimok din ng opisyal ang bawat Pinoy na mahalin ang pagkakakilanlan bilang mga Pinoy, sa kabila ng nakukuhang green card sa ibang bansa tulad ng US at Canada.