-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine Consulate General in Jeddah, Saudi Arabia na walang mga Filipino pilgrim na na-stranded sa naturang bansa sa kabila ng tumitinding giyera sa Middle East.

Ayon kay Consul General Rommel Romato, bagaman maraming Pinoy ang taunang nakikibahagi sa Umrah o voluntary ‘lesser’ pilgrimage, nananatiling maayos aniya ang kanilang schedule, kahit pa nagkaroon na ng serye ng flight cancellations.

Ayon pa sa PH official, mayroong 30 pilgrim na dating naantala ang kanilang flight sa Riyadh ngunit kinalaunan ay nagawan naman ng paraan para matuloy ang kanilang biyahe patungong Medina, ang second holiest city sa pananampalatayang Islam.

Sa ngayon ay nananatili aniyang nakabantay sa kaligtasan ng mga Filipino pilgrim ang embahada, kasama ang iba pang extension ng PH agencies tulad ng National Commission on Muslim Filipinos, Department of Foreign Affairs, atbpa.

Ayon pa sa Philippine official, inaasahang magsisimula nang umuwi sa Pilipinas ang mga pilgrim sa huling bahagi ng Marso, matapos ang inaasahang pagtatapos ng Ramadan sa ika-20 ng Marso.

Kadalasan aniyang pagkatapos ng Eid al-Fitr ay nagsisimula na ring bumiyahe ang mga pilgrim sa Saudi pabalik sa mga bansang kanilang pinagmulan. Posibleng magtagal ito hanggang sa unang bahagi ng Abril.

Umaasa ang consul general na babalik na rin sa normal ang flights sa lalong madaling panahon upang ma-accommodate ang mga pilgrim, atbpang biyahero sa Saudi patungo sa iba pang lugar. (report by Bombo Genesis)