Naitala ng Thailand ang kauna-unahang pagkamatay mula sa anthrax matapos kumpirmahin ng mga opisyal ang dalawang kaso ng impeksyon at daan-daang posibleng na-expose sa bacteria.
Ayon sa mga opisyal, tinatayang 638 katao ang posibleng na-expose, karamihan ay kumain ng hilaw o kulang sa luto na mga karne ng baka. Sa bilang na ito, 36 ang tumulong sa pagkatay ng hayop. Habang ang lahat ay binigyan na ng antibiotics bilang bahagi ng containment measures.
Nagdeklara na ang Department of Livestock ng 5-kilometer quarantine zone sa paligid ng lugar at planong bakunahan ang 1,222 na baka, bagamat wala pang hayop ang nagpapakita ng sintomas o hindi maipaliwanag na pagkamatay.
Samantala ang anthrax ay isang rare but serious bacterial disease na karaniwang nakukuha sa pamamagitan ng pag-kontak sa hayop o pagkain ng kontaminadong karne, ngunit hindi ito naipapasa mula tao sa tao.
Huling nagkaroon ng kaso ng anthrax sa Thailand noong 2017, ngunit walang nasawi.
Kasabay ng pagtaas ng kaso ng anthrax sa rehiyon—gaya ng 129 kaso at isang pagkamatay sa Laos noong nakaraang taon, at 13 kaso sa Vietnam noong Mayo 2023, patuloy ang pagbabantay ng Thailand, lalo na sa mga border area nito.