Inaprubahan ng US Senate ang panukalang batas para sa paglalaan ng $2.5 billion na halaga ng security assistance para sa Pilipinas.
Ang naturang bill na tinawag na Philippines Enhanced Resilience Act (PERA Act), na in-introduce nina Senators Bill Hagerty at Tim Kaine, ay magootorisa ng hanggang $500 million na ilalaan para sa Foreign Military Financing (FMF) grant assistance sa Pilipinas mula 2026 hanggang 2030, o kabuuang $2.5 billion sa loob ng limang taon.
Layunin ng naturang bill na palalimin pa ang defense cooperation ng US at Pilipinas at palakasin pa ang defense capabilities at interoperability ng alyansa ng dalawang bansa para matugunan ang lumalawak na mga banta sa Indo-Pacific Region.
Inihayag naman ni Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez na ito na ang pinakamalaking defense assistance package ng US para sa Pilipinas, na pinakamatagal nitong kaalyado sa Asiya.
Samantala, ipapadala na ang naturang bill sa opisina ni US President Donald Trump para lagdaan bilang ganap na batas.
















