Naghain ng reklamo ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) sa organizers ng Southeast Asian Games dahil sa kontrobersyal na judging sa boxing.
Ayon kay ABAP chairman Ricky Vargas na sa unang anim na araw ng laban ay tila mayroong kababalaghan dahil sa nagresulta ito sa siyam na boksingero ng Thailand ang nakapasok agad sa finals.
Isinaad sa sulat nila na labis silang nadidismaya at nairita dahil sa pangyayari kaya marapat na magpaliwanag ang SEA Games organizers.
Isa sa mga tinukoy nito ang kontrobersyal na pagkatalo ni Hergie Bacyadan kay Baison Manikon sa women’s 70 kgs. class kung saan nabigyan pa si Bacyadan ng standing eight count at deduction subalit naging tabla ang laban matapos ang dalawang rounds.
Kasama sa mga inireklamo nila ang mga pagkatalo ng Pinoy boxers na sina Riza Pasuit, Ian Clark Bautista, Junmilardo Ogayre at Mark Ashley Fajardo sa mga nakalabang boksingero ng Thailand. Sa ngayong ay hinikayat ng ABAP ang mga boksingero ng bansa na lalong galingan ang laban dahil tiyak na mga Thai boxers ang kanilang makakaharap pagdating ng finals.















