KALIBO, Aklan — Manalo o matalo todo suporta pa rin ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa ilang laro ng delegasyon ng Pilipinas sa nagpapatuloy na 33rd Southeast Asian (SEA) Games sa Thailand na magtatapos sa Disyembre 20.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Fernando Catane, kahit abala sa kani-kanilang trabaho, pinupuntahan nila kasama ang ilang kapwa Pinoy ang mga venue ng kahit na ang iba sa mga ito ay nasa labas na ng Bangkok.
Aniya, batid niya kung gaano kahalaga ang tulong ng mga Pinoy kahit behind-the-scenes para sa bawat atletang kumakatawan sa bansa.
Isa umano sa kanilang napanood ay ang laro sa table tennis, kung saan, kapwa ang men at womens team ay nakapasok sa semi final round.
Bilib umano siya sa mga atletang Pilipino dahil sa kanilang fighting spirit at taas noong dinadala ang bandera ng Pilipinas sa Thailand kahit dehado sa cheers ng mga nanonood.
Dagdag pa ni Catane na umaasa siyang mapanatili ng Pilipinas ang ika-limang pwesto sa medal standing dahil marami pang laro na maaring makahakot ng gintong medalya lalo na sa muay thai, basketball at iba pa.
















