-- Advertisements --

Umaasa umano si Pangulong Rodrigo Duterte na irerespeto nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco ang term-sharing agreement na siya mismo ang nag-broker o namagitan noong nakaraang taon para matiyak ang maayos na leadership transition sa Kamara.

Pero sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na inihayag din ni Pangulong Duterte kagabi na wala siyang magagawa kung walang sapat na suporta si Cong. Velasco mula sa kapwa kongresista para pumalit kay Speaker Cayetano.

Ayon kay Sec. Roque, ipinauubaya na umano ni Pangulong Duterte sa mga miyembro ng Kamara para magdesisyon sa kanilang liderato.

Sa ilalim ng gentleman’s agreement na term-sharing, unang magsilbing speaker si Cayetano sa loob ng 15 buwan mula sa pagbubukas ng 18th Congress noong Hulyo ng nakaraang taon at mag-takeover naman si Velasco para sa nalalabing 21 buwan simula sa Oktubre.

“He’s hoping na tutupad sa usapan ang partido pero kung wala pong numbers si Congressman Lord Allan eh wala po siyang magagawa,” ani Sec. Roque. “The President is hoping that the Speaker and Congressman Velasco will honor their agreement, but ultimately the decision will be the decision of the individual congressmen.”