-- Advertisements --

Binawi na ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng driver ng SUV na sumalpok sa entrance ng NAIA Terminal 1 noong Mayo 4, na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang indibidwal at pagkasugat ng apat na iba pa.

Sa pahayag na inilabas ng LTO nitong Biyernes, Mayo 23, sinabi ng ahensya na epektibong hindi na maaaring magmaneho ang driver sa loob ng apat na taon. Bukod dito, pinatawan din siya ng multang P2,000 para sa reckless driving, alinsunod sa Law Enforcement and Traffic Adjudication System Fines and Penalties ng LTO.

Nahaharap din ang nasabing driver sa mga kasong kriminal, kabilang ang reckless imprudence resulting in double homicide, multiple serious injuries, at property damage.

Maaalalang nag-ugat ang insidente nang bumangga ang isang itim na SUV sa railing ng NAIA Terminal 1 at sumagasa sa walkway malapit sa pasukan ng mga pasahero. Batay sa paunang pagsusuri ng closed-circuit television (CCTV) footage, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na walang nakitang premeditated na layunin upang manakit ang driver.

Noong Mayo 16, pinalaya mula sa kulungan ang driver matapos makapagpiyansa ng P100,000, alinsunod sa kautusan ng Pasay City Regional Trial Court.

Kasunod ng serye ng mga aksidente sa kalsada, kabilang ang malagim na banggaan noong Araw ng Paggawa sa Subic-Clark-Tarlac Expressway na ikinasawi ng 10 katao, nagpatupad na ng mahigpit na safety measures ang DOTr.

Kabilang sa mga bagong kautusan ng DOTr ay ang regular na drug testing para sa mga Public Utility Vehicle (PUV) drivers tuwing 90-araw; pagbabawas ng maximum consecutive driving hours ng mga PUV drivers mula anim patungong apat na oras; pagkakaroon ng dalawang driver kada biyahe para sa mga bus; pagsasagawa ng masinsinang pagsusuri ng road-worthiness ng mga PUVs; mas mahigpit at regular na inspeksyon ng mga sasakyang pampubliko, ayon sa mga pamantayan sa ibang bansa.