Nagpasa na rin ng courtesy resignation sina Bureau of Internal Revenue (BIR) Commission Romeo Lumagui Jr. at Bureau of Customs (BOC) Commissioner Bienvenido Rubio.
Ito ay kahit na tanging mga Cabinet members at secretary-ranked officials lamang ang kasama sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa kanilang performance review.
Sa kaniyang official statement, sinabi ni Comm. Lumagui na buo niyang sinusuportahan ang panawagan ng Pangulo para sa pananagutan sa serbisyo publiko.
Magbibitiw aniya siya sa pwesto bilang Commissioner ng Internal Revenue para mabigyan ang punong ehekutibo ng freehand sa pag-evaluate sa kaniyang performance para mapahusay ang pagseserbsiyo sa publiko sa ilalim ng administrasyon.
Ayon pa sa opisyal, nararapat at napapanahon ang hamon ng Pangulo para iayon ang gobyerno sa expectation ng mamamayang Pilipino.
Pinasalamatan din niya ang Presidente sa pagkakatalaga niya bilang pinuno ng BIR.
Samantala, pareho din ang naging saloobin ni Comm. Rubio sa pagsusumite nito ng courtesy resignation para mabigyan ang Pangulo ng kalayaan na ma-assess ang performance ng mga pinuno ng mga ahensiya at mapagbuti pa ang serbiyo sa mga mamamayang Pilipino.
Itinuturing din niyang isang pinakamalaking karangalan ang ipinagkaloob sa kaniya na makapagsilbi sa taumbayan.
Mananatili naman aniya ang kaniyang buong suporta sa mga polisiya at reporma ng Pangulo para sa pag-unlad ng bansa.