-- Advertisements --

Kumbensido ang pamunuan ng Sugar Regulatory Administration na tataas ang kabuuang produksyon ng asukal sa bansa ngayong crop year.

Batay sa pagtataya ng ahensya, maaaring umabot ito sa 1.837 milyong metriko tonelada.

Ang numerong ito ay mas mataas ng limang porsyento sa mga naunang pagtataya na aabot sa 1.782 milyong metric tons.

Sa isang pahayag ay sinabi ni SRA Administrator Pablo Luis Azcona, ang mataas na produksyon ay dahil sa pagtaas ng ani ng tubo sa kada ektarya na taniman nito.

Ito ay sa kabila pa rin ng mababang bilang ng asukal na nakukuha sa kada tonelada ng tinabas na tubo.

Naitala naman ng ahensya ang pinakamataas na bilang ng produksyon sa Visayas na aabot sa kabuuang 71% output ng tubo sa buong bansa.

Mula sa naturang bilang, aabot sa 63% ang naitala ng SRA mula sa Negros Island habang ang 6.3% ay mula sa Panay at ang natitirang porsyento ay mula sa Cebu at Leyte.

24% naman ng output ng tubo ay nanggagaling sa Mindanao habang nasa limang porsyento lamang ang ambag ng Luzon.