-- Advertisements --

Ipinahayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na magpapadala sila ng dalawang barko upang tiyakin ang kaligtasan ng “Atin Ito” coalition sa kanilang ikatlong misyon sa West Philippine Sea (WPS), mula Mayo 26 hanggang 30, 2025.

Ayon kay Commodore Jay Tarriela, spokesperson ng PCG para sa WPS, ang isang 97-meter at isang 44-meter na barko ay ipapadala para magbigay ng seguridad, kahit na ang misyon ay isang civilian-led initiative.

Ang hakbang ay kasunod ng insidente sa Pag-asa Island kung saan ang barko ng Chinese Coast Guard (CCG) ay dalawang beses na binombahan ng water cannon ang BRP Datu Sanday na nagsasagawa lamang ng marine research.

Sa kabila ng tensyon, tiniyak ni National Maritime Council spokesperson Alexander Lopez na hinihikayat nila ang “Atin Ito” na magpatuloy sa kanilang misyon at may mga contingency plans na umano sila sakaling magka-problema.

Kasama sa misyon ang isang gaganaping peace concert sa Palawan kung saan tampok ang mga kilalang Filipino at international artists.