-- Advertisements --

Tinawag ng koalisyon at ibang grupo na isang ‘propaganda’ at pangga-gaslight lamang ang ginawang aksyon ng Tsina sa West Philippine Sea nitong nakaraan.

Mariing inihayag ng Atin Ito Coalition ang hindi pagtanggap sa ipinalalabas na pagtulong umano ng naturang bansa sa mangingisdang Pilipino.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo kay Rafaela David, convenor ng Atin Ito Coalition, kanyang sinabi na ang ipinakitang hakbang ng Tsina ay panlilinlang lamang.

Giit niya’y ‘image management’ ito ng dayuhang bansa matapos maganap ang tinawag na ‘Christmas Attack’ kamakailan.

Ang ilang mangingisdang Pilipino ay nagtamo ng sugat matapos gamitan ng China Coast Guard ng malalakas na water cannons ang mga barkong pangisda gamit panghanapbuhay.

Kung kaya’t giit niya’y hindi nito mabubura ang makailang ulit na insidente ng pangha-harrass ng mga barko ng Tsina sa mga Pilipino.

Maisa pang ulit niyang binigyang diin na ang pag-aabot ng tubig ng barko ng Tsina ay maituturing bilang pangga-gaslight lamang.

Habang sinabi pa nito ang paninindigan na hindi magpapadala sa mga hakbang ng dayuhan upang linlangin ang pananaw sa kanilang gawain.

Babala naman sa publiko ni Rafaela David ng Atin Ito Coalition, huwag agaran magpapaniwala sa kung anong nakikita online.