Umapela si Kalayaan Vice Mayor Maurice Philip Albayda sa mga Pilipino na huwag magpadikta sa mga naratibo ng mga pro-China o entity na “bulag” sa mga sinusuportahang pulitiko.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, nanawagan ang Bise Alkalde ng Municipality of Kalayaan ng nagkakaisang naratibo. Aniya, dapat na magkaisa ang bawat Pilipino pagdating sa usapin sa Kalayaan Island Group at sa West Philippine Sea, na siyang pinakamalaking source ng natural gas at mahalagang pinagkukunan ng mga isda.
Iginiit rin ni Vice Mayor Albayda na walang dahilan para isuko ang Kalayaan Island Group at WPS.
Ito ay dahil marami nang isinakripisyo ang mga mamamayan ng Kalayaan upang mapreserba ang naturang teritoryo ng Pilipinas.
Batay sa opisyal, mayroong mahigit 400 households ang naninirahan sa Pag-asa Island, ang nag-iisang okupadong isla sa buong Kalayaan Island Group, kabilang ang mahigit 100 mag-aaral sa Pag-asa Integrated School, na inilarawan ng Bise Alkalde na payak na namumuhay sa isla.
Nagpahayag din ng lungkot ang Kalayaan LGU official dahil sa patuloy na presensya ng mga barko ng China kabilang na ang maritime militia at China Coast Guard vessels na nakapalibot sa isla kada araw.
















