-- Advertisements --

Ikinatuwa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang pagbaba ng bilang ng mga coastal water sa bansa na apektado ng nakalalasong Red Tide o Paralytic Shellfish Poison.

Batay sa ulat na inilabas ng ahensya , ang coastal water ng Bolinao at Anda sa Pangasinan sa Luzon na lamang ang nananatiling apektado ng Red Tide.

Sa bahagi naman ng Mindanao, nananatiling ang coastal water ng Dumanguillas Bay sa Zamboanga Del Sur at Tantanang Bay sa Zamboanga Sibugay Province ang positibo sa naturang lason.

Ayon sa ahensya, ipinagbabawal pa rin sa mga nabanggit na lugar ang paghango, pagbenta, at pagkain ng mga shellfish dahil sa banta ng Red Tide.

Sa kabila nito ay tiniyak ng BFAR na ligtas sa human consumption ang mga shellfish at iba pang lamang dagat sa bahagi ng Manila Bay at iba pang parte ng Pilipinas.

Patuloy ang monitoring ng ahensya sa lahat ng mga coastal water sa bansa para matiyak ang kaligtasan ng publiko.