Pumanaw na ang French actress na si Brigitte Bardot sa edad na 91.
Kinumpirma ito ng kaniyang itinayong foundation subalit hindi na nagbigay pa ng anumang dahilan.
Tinatawag siya sa French showbiz bilang B.B. kung saan nakilala siya sa paggawa ng mga sexy films.
Nasa halos 40 na pelikula ang kaniyang nagawa gaya ng “…And God Created Woman” (1956), “Contempt” (1963) at “Viva Maria!” (1965) at naging sikat din siyang singer sa France noong dekada 60.
Isinilang sa Paris noong Setyembre 28 , 1934 si Brigitte Anne-Marie Bardotkung saan naninirahan sila sa mamamahaling apartment na hindi kalayuan mula sa Eiffel Tower.
Sa edad na 39 noong 1973 ay nagretiro siya sa acting kung saan nagtaguyod siya ng samahan na nagpo-protekta sa mga hayop.
Taong 1986 ng itayo nito ang Brigitte Bardot Foundation na isang animal rights charity na nagpoprotekta sa mga wild at domestic animals.
Naging vegetarian siya at noong 2013 ay nagbanta ito na mag-apply ng Russian citizenship bilang protesta sa plano na pagpatay sa dalawang may sakit na elepante sa French zoo.
Kabilang si French President Emmanuel Macron sa nagbigay ng tribute at pagkilala sa namayapang French actress.
















