Nilagdaan ng bicameral conference committee nitong Linggo ng hapon ang Committee Report na nagkakasundo sa mga probisyon ng House Bill No. 4058 o General Appropriations Bill (GAB) para sa 2026.
Ang na-enroll na panukalang batas ay naglalaan ng humigit-kumulang ₱6.7 trilyon para sa gastusin ng pamahalaan sa taong 2026.
Pinangunahan ni House Appropriations Committee Chairperson at Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing ang delegasyon ng Kamara sa paglagda ng ulat, kasama sina Reps. Jose Alvarez, Javier Miguel Benitez, Albert Garcia, Marcelino Libanan, Jurdin Jesus Romualdo, at Allan Ty.
Ayon kay Senate Finance Committee Chair Sen. Win Gatchalian, dumaan sa masusing proseso ang panukalang badyet na binubuo ng humigit-kumulang 4,300 pahina, kabilang ang mga annex, na aniya ay binasa ng limang beses.
Idinagdag niya na ilalathala ang dokumento sa transparency portals ng Senado at Kamara matapos ang ratipikasyon.
Nakatakdang ratipikahan ng House of Representatives at Senado ang bicam report sa kani-kanilang plenary session ngayong Lunes ng hapon.
Matapos nito, isusumite ang panukalang badyet sa Pangulo para sa pormal na pag-apruba.
Inaasahang lalagdaan ng Pangulo ang 2026 national budget sa unang linggo ng Enero 2026.















