Inaprubahan na ng Philippine Ports Authority (PPA) ang pagtaas ng terminal fee sa Batangas Port, ayon kay PPA General Manager Atty. Jay Daniel Santiago.
Kinumpirma ni Santiago na pinayagan ng PPA Board ang hiling ng Asian Terminal Inc. (ATI), ang operator ng Batangas Port, subalit P60 lamang ang inaprubahang increase mula sa P100 na orihinal na hinihingi ng kumpanya.
‘Ang hinihingi nila ay from P30 maging P100, at para din bilang kompromiso na ma-recognized naman ‘yung investment at saka ‘yung improvements na ginawa ng terminal operator at maibalanse ‘yan sa kakayahan sa mga kababayan natin na dumadaan dito sa Batangas terminal ay minabuti ng PPA board na aprubahan ang request nila for adjustment pero anstaggered basis,’ pahayag ni Santiago.
Batay sa desisyon, ipatutupad ang pagtaas sa dalawang yugto. Ang unang P30 na dagdag ay sisimulan sa Enero 1, 2026, na magtataas sa terminal fee mula P30 patungong P60.
Samantala, sa Hulyo 1, 2026 naman ipatutupad ang natitirang P30, kaya magiging P90 ang kabuuang terminal fee.
‘Magiging valid po ito sa loob ng 3 taon, simula January 1. After 3 years palang sila puwedeng mag-adjust ulit, so gusto nating mangyari yo’n para masigurado natin na itong operasyon ng Batangas terminal natin ay tuloy-tuloy ang improvement,’ ani PPA General Manager Atty. Santiago.
Tiniyak naman ni Santiago na dumaan sa tamang proseso ang pag-apruba ng PPA Board sa naturang pagtaas ng singil.















