Magpapatupad ng queuing system ang Philippine Ports Authority (PPA) laban sa sa mga fixers na naniningil ng hanggang P2,000 para sa “express entry” ng mga sasakyan sa RoRo vessels.
Ito ang ipinahayag ni PPA General Manager Jay Daniel Santiago nang bumisita sa Batangas Port nitong Lunes kung saan sinabi niya na bibigyan na ng numero ang bawat sasakyan sa pila upang ma-monitor ang mga awtorisadong sasakyan na makapasok sa port.
Pinayuhan din niya ang mga security personnel at port police laban sa pakikipagsabwatan sa mga fixers na maaaring masampahan ng kaukulang kaso.
Samantala, libu-libong pasahero naman ang dumagsa sa Batangas Port para makauwi sa kanilang mga probinsya.
Nahaharap sila sa mahahabang pila, kakulangan ng tiket, at limitadong biyahe ng barko. Halimbawa, higit 500 pasahero papuntang Odiongan, Romblon ang hindi nakasakay noong Linggo at nakabili lamang ng tiket kinabukasan.
Sa kabila ng abala, nanatiling matiyaga ang mga pasahero sa pila, nakaupo at hindi umaalis sa kanilang lugar habang naghihintay ng ticket.
















