Nakatanggap ang National Amnesty Commission (NAC) ng 7,758 aplikasyon para sa amnestiya hanggang Enero 26, ayon kay NAC Chairwoman Leah Tanodra-Armamento.
Malaking bahagi ng mga aplikasyon ay mula sa mga dating miyembro ng Communist Party of the Philippines–New People’s Army–National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), na umabot sa 6,235.
Kasunod nito ay ang 1,001 aplikante mula sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Mas mababa naman sa 500 aplikasyon ang mula sa Moro National Liberation Front (MNLF).
Mayroon ding 92 aplikante mula sa Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas–Revolutionary Proletarian Army–Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB).
Ang deadline para sa aplikasyon ng CPP-NPA ay sa Marso 13, samantalang Marso 4 naman para sa mga dating miyembro ng RPMP-RPA-ABB, MILF, at MNLF.
Binigyang-diin ni Tanodra-Armamento na may verification process sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation (NBI), pulisya, opisina ng piskal, at mga korte, bago tuluyang iakyat sa opisina ng Presidente.
















