-- Advertisements --

Ikinasa ng Philippine National Police (PNP) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isang coordinated investigation sa naging pamamaslang kay Ustadz Nadzmi “Bahang” Tarahin, isang opisyal sa munisipalidad ng Tipo-Tipo at siya ring dahilan ng engkwentro sa Basilan nitong Martes.

Sa isang joint statement ng Provincial Government of Basilan, AFP at ng PNP, kasabay aniya ng imbestigasyon na ito ay ang pagkakasa rin ng intelligence operations upang matukoy at maaresto ang mga personalidad sa likod ng naging pamamaslang sa opisyal.

Kasunod nito, gamit na rin ng mga otoridad ang iba’t ibang uri ng mekanismo para mapabilis ang paghuli sa mga suspek at agad na mapanagot sa batas ang mga naturang personalidad.

Maliban dito, nakikiisa rin aniya ang mga lokal na Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa ikinakasang imbestigasyon at nanindigan na patuloy na kakatigan ang kapayapaan sa mga ganitong sitwasyon.

Nanawagan rin ang mga organisasyon sa publiko lalo na sa mga residente sa munisipalidad ng Tipo-tipo na manatiling kalmado, makiisa at magbigay ng mga makatutulong na mga impormasyon na maaaring magamit sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa insidente.

Samantala, pagtitiyak naman ng mga otoridad sa mga Basilenos na sisiguruhin nilang agad na makakamit ang hustisya sa pamamaslang at hindi nila kikilalanin ang kahit anumang uri ng karahasan na siyang makakasira sa kapayapaan at sa rule of law sa lugar.