Tiniyak ni Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo Jr. ang matibay na suporta at pagtutok ng pambansang pamahalaan sa normalization process at status ng kapayapaan sa lalawigan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito’y makaraang dumalo si Lagdameo bilang Guest of Honor and Speaker sa awarding ng educational assistance para sa mga decommissioned combatants ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na ginanap sa Cotabato City nitong Miyerkules, Agosto 6.
Ayon kay SAP Lagdameo, ang edukasyon ay isa sa mga prayoridad ng kasalukuyang administrasyon sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kung saan binigyang-halaga ng pangulo ang libreng edukasyon at karagdagang tulong pinansyal para sa mga Pilipinong mag-aaral.
“Ang nais ng ating Pangulo ay isang lipunan na pinangangalagaan hindi lamang ang kapayapaan, kundi pati na rin ang karapatang-pantao ng bawat Pilipino. Ang programa natin ngayon ay isa sa mga patunay na tayo ay nagkakaisa sa hangaring iyon,” sabi ni Lagdameo.
Ang naturang programa ay bahagi ng normalization program sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) na may layuning tulungan ang mga MILF decommissioned combatants na makapagsimula ng bagong buhay at makapag-aral ang kanilang mga anak gayong ang ilan sa mga benepisyaryo ay mga anak ng decommissioned combatants na kasalukuyang nasa kolehiyo.
Sinabi ni Lagdameo na patuloy ang pamahalaan sa pagtiyak na ang mga kasalukuyang peace process ay epektibo, inklusibo, at tumutugon sa tunay na kalagayan ng mga komunidad na sumailalim sa matagal na sigalot at tunay na naapektuhan.
“We have made significant progress in achieving our normalization targets, yet we recognize that there is still more work ahead. We also acknowledge that several mechanisms under the peace process need to be re-evaluated to ensure they are truly responsive, inclusive, and effective in addressing the realities on the ground,” saad pa ni SAP Anton.
Samantala, nagpasalamat naman si Lagdameo sa Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), Inter-Cabinet Cluster Mechanism on Normalization (ICCMN), at mga katuwang na ahensya ng pamahalaan pati na sa mga civil society organization para sa kanilang tulog sa pagpapatupad ng normalization program.
Sa pagtatapos ng programa ay hinimok nito ang mga student-grantees na gamitin ang oportunidad na ito hindi lamang para sa personal nilang mga tagumpay kung hindi para na rin sa kani-kanilang mga komunidad.
“To our student-grantees and decommissioned combatants, may you use this opportunity to achieve your personal goals, and when you have succeeded, may you also give back not only to your families but also to your communities,” pagtatapos ni SAP. Lagdameo, na nag-donate ng P1-M mula sa kanyang personal funds para sa educational assistance ng mga estudyante ng MSU.
Isa sa mga inisyatiba ng Office of the Special Assistant to the President (OSAP) ay ang peace caravan na pinatutunayang buo ang adhikain ng pamahalaan para sa kapayapaan, kaunlaran, at pagbangon ng BARMM.