Dinagsa ng mga botante ang muling pagbubukas ng voters registration sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa datos ng Commission on Elections (Comelec), pumalo agad sa halos 1,000 aplikante ang nagtungo sa iba’t ibang satellite registration centers sa rehiyon sa unang araw pa lamang ng resumption nito.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, naging mapayapa at maayos ang proseso sa kabila ng dagsa ng mga tao na nais makilahok sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa 2025.
Partikular na tinutukan ng poll body ang registration sa Marawi City at iba pang lugar sa Lanao del Sur.
Inihayag ng poll chief na indikasyon ito ng mataas na interes ng mga residente na gamitin ang kanilang karapatang bumoto.
Matatandaang pansamantalang itinigil ang rehistrasyon upang bigyang-daan ang mga paghahanda, ngunit muli itong binuksan upang masiguro na walang botante ang maiiwan sa makasaysayang halalan sa rehiyon.
Samantala, patuloy ang panawagan ng Comelec sa mga kwalipikadong botante sa BARMM na huwag nang hintayin ang deadline at magpa-rehistro na nang maaga.
















