Inaprubahan ng Bangsamoro Parliament ang panukalang batas sa districting sa ikatlo at pinal na pagbasa nitong madaling-araw ng Martes, matapos ang halos 10-oras na special session na nagsimula noong Lunes ng hapon.
Isinagawa ang botohan sa pamamagitan ng nominal voting kung saan binigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng parliyamento na ipaliwanag ang kanilang boto.
Lumabas sa opisyal na tala na 48 ang bumoto sa pabor, 19 ang tumutol, at apat ang nag-abstain.
Bago ito, nakalusot na ang panukala sa ikalawang pagbasa sa pamamagitan ng viva voce vote, kasunod ng mahabang talakayan at pagrepaso sa mga iminungkahing amyenda.
Ang panukala, na kilala bilang Parliament Bill No. 415, ay pinangunahan nina MPs Naguib Sinarimbo, Kitem D. Kadatuan Jr., Tomanda D. Antok, Alindatu K. Pagayao, Ibrahim P. Ibay, Butch P. Malang, Abdulbasit R. Benito, Ma-Arouph B. Candao, Amer Zaakaria A. Rakim, at Alikarim T. Munder. Nagsilbing mga co-author naman sina MPs Dan Asnawie, Akmad Abas, at Susana Anayatin.
Pinangunahan naman ni Parliament Speaker Mohammad Yacob ang sesyon, habang pinagtibay ni Chief Minister Abdulraof Macacua ang agarang pagtalakay sa panukala sa pamamagitan ng pag-certify nito bilang urgent, dahilan upang ipatawag ang special session.
Itinuturing na mahalagang hakbang ang pagpasa ng districting measure sa paghahanda para sa kauna-unahang parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
















