-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Office of the Special Assistant to the President (OSAP) ang mga hakbang na ginagawa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang palakasin ang mga institusyon ng Bangsamoro bilang susi sa maayos at tuloy-tuloy na pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).

Ayon kay OSAP Assistant Secretary Ria Lumapas, pangunahing layunin ng administrasyon ang pagpapatibay sa kakayahan ng mga institusyong pambansa at pangrehiyon upang malinaw at epektibong maisakatuparan ang kani-kanilang obligasyon sa CAB.

Binigyang-diin din ni Lumapas na ang kauna-unahang halalan para sa BARMM Parliament ay isang mahalagang yugto sa pulitika ng rehiyon.

“It completes the political track of the peace process and allows the region to finally have a government that is no longer transitional or appointed but derives its mandate from the electorate, thereby strengthening the legitimacy of the Bangsamoro government,” ani Lumapas.
Idinagdag ng opisyal ng OSAP na ang pagpaplano para sa kapayapaan at kaunlaran ay dapat nakabatay sa aktwal na kalagayan sa lugar.

“Future thinking must begin with clearly identifying existing gaps so institutions can be responsive to both current and emerging issues,” dagdag pa niya.

Binigyang-pansin din niya ang matinding pangangailangan para sa mas matatag na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya, dahil nananatiling mahina ang ganitong kultura sa bansa.

Hinikayat din ni Lumapas ang mga tanggapan ng gobyerno na iwanan ang kanya-kanyang paraan ng pagtatrabaho at ang umano’y pagprotekta sa sariling teritoryo. Sa halip, dapat ituon ang polisiya sa pagpapatatag ng mga institusyon upang maging tuloy-tuloy ang trabaho kahit magpalit ng liderato.

“The national government and the BARMM, both sides, can still work together and meet normalization targets because the peace process must be insulated from politics,” pagdidiin niya.

Ipinaliwanag pa niya na matindi ang pangangailangan ng gobyerno sa isang komprehensibong roadmap na magtatakda ng malinaw na balangkas, mga layunin, at mga target. Kasama rito ang paglinaw sa mga terminong matagal nang ginagamit tulad ng parallel, commensurate, at substantial implementation upang pare-pareho ang pag-unawa sa pagpapatupad ng CAB.

“Some matters must be bigger than politics, because without strong institutions, implementation becomes inconsistent and leads to interventions that are unresponsive and prone to miscommunication,” pagtatapos ni Lumapas.

Sa huli, sinabi ng OSAP na sa pamamagitan ng mas maayos na koordinasyon ng mga ahensya, pagtukoy ng malinaw na pamantayan, at pagbuo ng komprehensibong roadmap, nilalayon ng administrasyon na maipakita sa aktuwal na pamamahala ang mga tagumpay ng peace process at makapaglatag ng matibay na institusyon at pangmatagalang pag-unlad para sa rehiyon ng Bangsamoro.