Matatag ang paglago ng kita ng Philippine Ports Authority (PPA) hanggang Oktubre 2025, kaya tiwala ang ahensya na maaabot o mahihigitan nila ang kanilang target ngayong taon.
Tumaas ng 10.57% ang kita ng PPA, mula ₱22.58 bilyon noong 2024 hanggang ₱24.97 bilyon ngayong 2025. Lumaki rin ng 50.76% ang kanilang net income matapos ang buwis, na umabot sa ₱10.67 bilyon.
Ayon sa ahensya , dulot ito ng pagdami ng mga barko at kargamento, mas mataas na bayad sa pag-iimbak, taripa na nakabase sa dolyar, at mas malakas na kita mula sa regulasyon.
Dumami rin ang kargamento ng 7.47%, umabot sa 262.84 milyong metric tons dahil sa mataas na pangangailangan para sa mga materyales sa konstruksiyon, proyekto sa imprastraktura, at pagluluwas ng mga mineral.
Target nilang umabot sa higit 301 milyong metric tons bago matapos ang kasalukuyang taon.
Sa operasyon ng mga container, tumaas ng 11.04% ang container traffic sa 7.14 milyong TEUs.
Sa pangkalahatan, positibo ang PPA na mahihigitan nila ang kanilang mga target sa operasyon at pananalapi para ngayong taon.
















