-- Advertisements --

Pinangunahan ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago ang inspeksyon sa Batangas Port ngayong araw upang matiyak ang kahandaan ng mga pasilidad at operasyon, gayundin ang seguridad ng mga pasahero sa lahat ng pantalan sa bansa ngayong holiday season.

Nagkaroon ng media conference kung saan sinabi ni Santiago na ang pangunahing problema ay ang kakulangan ng mga barko.

Bagaman mayroong online ticketing, maaari pa ring maging problema ang kakulangan ng barkong masasakyan ng mga pasaherong may tiket na.

Ayon sa kanyang pahayag, noong mga nakaraang taon, ang pinakamataas na passenger volume sa Batangas Port ay nasa 21,000 lamang. Ngunit kahapon ay umabot na ito sa mahigit 30,000, na nangangahulugang mayroong 50% pagtaas sa passenger volume. Dahil dito, kailangan umanong makatugon ang domestic shipping industry sa pamamagitan ng pagdagdag ng mga barko.

Hinihiling ni Santiago sa mga shipping lines at sa Maritime Industry Authority (MARINA) na magdagdag pa ng mga barko, hindi lamang sa Batangas kundi sa iba’t ibang pantalan sa buong Pilipinas.

Panawagan din ni Santiago sa mga biyahero na habaan ang kanilang pasensya, at tiniyak ng PPA na gagawin ang lahat upang maging komportable ang kanilang paghihintay ng mga barko para makarating sila sa kanilang destinasyon ngayong kapaskuhan.

Sinabihan din ni Santiago ang pamunuan ng Batangas Port na siguraduhin ang maayos na air-conditioning, sapat na charging stations, malakas na internet, libreng water refilling stations, at malinis na mga palikuran.