-- Advertisements --

Nananatili sa high level of unrest ang Bulkang Mayon matapos makapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng pagdami ng aktibidad sa loob lamang ng 24 oras.

Sa pinakahuling monitoring ng ahensya ngayong Pebrero 1, 2026, umabot sa 389 rockfall events at 26 pyroclastic density currents (PDC) o mas kilala sa tawag na uson ang naitala sa bulkan.

Bukod dito, nakumpirma rin ng mga otoridad ang apat na volcanic earthquakes kasabay ng patuloy na pagbuga ng lava dome at lava flow. Bagaman natatakpan ng makapal na ulap ang bulkan, kita pa rin ang crater glow o banaag sa tuktok nito habang nananatili ang pamamaga ng edifice o estruktura ng Mayon.

Batay sa ulat nitong Enero 31, pumalo sa 4,079 tonelada ang sulfur dioxide flux na inilalabas ng bulkan bawat araw.

Dahil sa banta ng biglaang steam o phreatic explosions, pagguho ng mga bato, at panganib ng lahar tuwing may malakas na ulan, nananatili ang Mayon sa ilalim ng Alert Level 3.

Mahigpit na ipinagbabawal ng PHIVOLCS ang pagpasok sa anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at ang precautionary entry sa Extended Danger Zone (EDZ). Pinag-iingat din ang mga aviation authorities at bawal ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa banta ng airborne ash.