Nagbabala ang Department of Health (DOH) na tumataas ang bilang ng mga nasusugatan sa mga aksidente sa kalsada tuwing holiday season.
Ayon sa DOH, mula Disyembre 2024 hanggang Enero 2025, umabot sa 11,146 ang mga pasyenteng dinala sa 210 ospital at infirmaries dahil sa road crash injuries. Halos doble ito kumpara sa 5,785 pasyente na naitala noong Oktubre at Nobyembre 2024.
Sa nasabing bilang, 1,173 pasyente ang kumpirmadong nakainom ng alak bago naaksidente.
Kayat paalala ng DOH sa mga motorista, iwasan ang pag-inom ng alak kapag magmamaneho at tiyaking sapat ang pahinga bago bumiyahe, lalo na kung malayo ang pupuntahan.
Giit ng ahensya, ang responsableng pagmamaneho ay mahalaga upang maiwasan ang aksidente at masigurong ligtas ang pag-uwi ng bawat isa ngayong holiday season.
















