Isiniwalat ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na pareho lamang ang contractors sa umano’y korapsyon sa flood control projects sa kamakailangan natuklasang anomalya sa mga farm-to-market road projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH)
Sa 2024 national budget ay nabatid na overpriced ng P10.3 billion ang mga farm-to-market roads na matatagpuan sa Tacloban City, Camarines Sur, Bulacan, Eastern Samar at Daraga, Albay.
Lumalabas na P15,000 lang ang benchmark na halaga pero overpriced ng P348,000 kada metro ang ipinagagawang kalsada.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Gatchalian na tatlo sa top 15 flood control contractors na isiniwalat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay kumubra rin ng kontrata sa mga farm-to-market roads.
Kabilang dito ang Hi-Tone Construction na pagmamay-ari ng kapatid ni dating Congressman Zaldy Co, na si dating Congressman Christopher Co.
Hinihimay din ng senador kung nakakubra rin ang mga kontratista sa ibang mga proyekto ng pamahalaan bukod pa sa mga flood control projects.
Dahil dito, irerekomenda ni Gatchalian sa Blue Ribbon Committee at Independent Commission for Infrastructure (ICI) na masilip na rin ang umano’y overpricing na mga farm-to-market roads sa ilang lalawigan sa bansa.
Mainam aniya na maimbestigahan na rin ang naturang proyekto bukod sa flood control scandal dahil sa mga natutuklasang anomalya.
Inirekomenda na rin na mailipat na lamang ang farm to market road projects sa ilalim ng Department of Agriculture (DA).
May kakayahan naman daw ang ahensya na maipatupad ang naturang proyekto.