Mariing kinondena ni Senate Committee on National Defense Chairman Senador Jinggoy Estrada ang tangkang pagharang ng China sa pagpapalabas ng isang dokumentaryong Pilipino tungkol sa West Philippine Sea sa isang prestihiyosong film festival sa New Zealand.
Kinumpirma ng Chinese Consulate General sa Auckland sa isang pahayag na ibinahagi ng Doc Edge film festival na hiniling nila noong Hulyo 4 sa mga organizer na kanselahin ang mga susunod na screening ng dokumentaryong “Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea.”
Ayon kay Estrada, nakadidismaya aniya na ang documentary film ni Baby Ruth Villarama, na dapat sana’y ipapalabas sa isang lokal na festival ngayong taon, ay bigla na lamang tinanggal sa lineup ng palabas dahil sa hindi malinaw na external factors.
Ngunit ang mas nakadidismaya pa aniya ay kinailangan pa ng isang international festival para mabigyan ang pelikulang ito ng platform at maipalabas.
Sa gitna ng pagkondena ni Estrada a tangkang pagpigil ng China sa pagpapalabas ng pelikula sa Doc Edge Festival, nanawagan din ang senador sa gobyerno na pagnilayan kung gaano kalalim ang impluwensya ng China sa ating bansa na kaya nitong pakialaman ang karapatang magpahayag na protektado sa ating Konstitusyon.
Hindi lang aniya ito basta pelikula, ito ay matapang at taos-pusong paglalarawan sa hirap at tapang ng mga mangingisda, maritime workers, at mga scientists sa West Philippine Sea kaya dapat lang na mapanood, mapag-usapan, at parangalan, lalo na ng mga Pilipino.