Ikinatuwa ni House Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos ang tuluy-tuloy na pagsulong ng mga prayoridad na panukala ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa Kamara.
Kamakailan inaprubahan ng Committee on Appropriations ang dalawang LEDAC bills ito ang Presidential Merit Scholarship Program at ang panukalang National Land Use Act.
Sinabi ni Majority Leader Marcos na ang ang pag-apruba ng appropriations committee ay hudyat na handa na ang mga panukala para sa plenary deliberations.
Ang scholarship bill, ay inisponsor ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, ay naglalayong gawing permanente ang Presidential Merit Scholarship Program sa ilalim ng Commission on Higher Education (CHED).
Layunin nitong mabigyan ng tiyak at tuluy-tuloy na suporta ang mga nangungunang senior high school graduates batay sa kanilang academic performance.
Samantala, ang National Land Use Act ay magtatakda ng pambansang balangkas para sa maayos at sustenableng paggamit ng lupa.
Magkakaroon din ng oversight body upang maresolba ang mga sigalot sa land use sa pagitan ng mga ahensya at iba’t ibang antas ng pamahalaan, kasabay ng konsultasyon mula rehiyon hanggang sa mga lungsod at munisipalidad.
Sinabi ni Marcos na walo sa mga prayoridad na panukala ng LEDAC ang nasa advanced stage na sa mga komite.
Kabilang dito ang modernisasyon ng Bureau of Immigration, paglikha ng Independent People’s Commission, mga amyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act, 4Ps Act, Magna Carta for MSMEs, at ang panukalang pag-reset ng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ang panukalang may kinalaman sa BARMM ay kabilang sa apat na pangunahing hakbang sa ilalim ng Common Legislative Agenda (CLA), kasama ang Expanded OSAEC at CSAEM Act of 2026, panukala laban sa fake news at digital disinformation, at ang mungkahing pag-alis ng travel tax.
Sa kabuuan, 12 sa 52 prayoridad na panukala ng LEDAC ang naaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara.
Binigyang-diin ni Marcos na nananatiling prayoridad ang mga batas na may direktang epekto sa edukasyon, kalusugan, seguridad sa pagkain, at social protection upang maramdaman agad ng mga pamilya ang benepisyo.










