Nagdesisyon ang House Prosecution panel na hindi na ipresenta sa witness stand ang kinatawan ng Civil Service Commission (CSC) sa nagpapatuloy na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Unang inaprubahan ng impeachment court ang subpoena para kay Atty. Ariel Ronquillo, ang deputy commissioner ng CSC.
Gayunpaman, ipinaliwanag ni Rep. Terry Ridon na malaking bahagi ng inaasahang testimoniya ni Ronquillo ay nasaklawan na sa ginawang pagpapatotoo nina dating Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabutaje-Tang at Ombudsman Records Division Officer-in-Charge Atty. Karen S. Batu.
Dahil sa naturang pagbabago, agad na lumipat ang prosecution panel sa pagpresenta kay Atty. Gerardo Del Rosario, isa sa mga abogadong nagsisilbi sa ilalim ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Ayon kay House private prosecutor Atty. Erwin Matib, ang pangunahing papel ni Atty. Del Rosario ay ang mag-authenticate ng mga corporate records at business interests ng Bise Presidente sa ilalim ng Article II ng impeachment complaint.
Gagamitin ng prosekusyon ang mga opisyal na dokumento mula sa SEC upang itugma at i-verify ang pahayag ng Bise Presidente sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), partikular kung ang idineklarang net worth nito na umakyat mula P7.2 milyon noong 2007 tungo sa humigit-kumulang P98 milyon noong 2025 ay tumutugma sa kanyang mga lehitimong kita at ari-arian.
Inaasahan ding haharapin ng kinatawan ng SEC ang mga ulat ukol sa General Information Sheet (GIS) ng mga kaugnay na kumpanya, kung saan lumalabas na nanatiling stockholder at miyembro ng Board of Directors si VP Sara Duterte mula 2022 hanggang 2025 habang nakaupo sa pwesto sa pamahalaan. Nais patunayan ng prosekusyon kung nagkaroon ng paglabag sa batas ang Bise Presidente dahil sa hindi pagbibitiw o pag-divest sa kanyang mga negosyo habang nanunungkulan.















