(Update) Tinawanan lamang ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David ang naging akusasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte na kaya umano tinanggal sa puwesto bilang Manila archbishop si Luis Antonio Cardinal Tagle ay dahil sa pamumulitika.
Sa kanyang Facebook post, isinulat ni David ang ganito, “HAHAHAHAHAHAHAHAHA
UNBELIEVABLY LUDICROUS.”
Una rito sa kaniyang talumpati sa harap ng mga local government executives sa Pasay City, sinabi ng Pangulo na kaya inalis daw si Tagle ni Pope Francis bilang Manila Archbishop ay dahil nakikialam ito sa politika.
Iginiit ng Pangulo na alam niya rin umano ang nangyayari sa loob ng simbahan.
“Tingnan mo gamit nila ang pera kinontribute nila doon sa yellow-yellow. Tingnan mo ang nangyari wala tayong bishop ngayon. Di mo ba alam? Tinanggal. Binigyan lang tayo ng caretaker ngayon na pari. Walang bishop ng Maynila. Nagalit si Pope kasi nakialam sa pulitika. Iyan ang totoo diyan,” ani Presidente Duterte. “Kaya binigay sa atin officer-in-charge na lang. Wala tayong bishop. Tagle was out. He was investigated. Iyan ang open secret. Malaman ko kasi nakikinig ako sa lahat.”
Magugunitang inilipat ng Santo Papa noong Pebrero si Tagle bilang prefect of the Congregation for Evangelization of Peoples. Isa sa pinakamataas na puwesto sa Vatican.
Idinepensa rin naman ni Bishop Alberto Uy ng Tagbilaran si Tagle sa pagsasabing ang pagkuha ng Santo Papa sa kardinal ay pagpapakita ng labis na tiwala rito.
“He is a model of humility, kindness, integrity and holiness. I am a personal witness to his exemplary intelligence and Christian virtues,” wika pa ni Bishop Uy sa ulat ng CBCP news.
Sa natura ring ulat nagsabi rin daw nang ganito si Bishop David, “nothing could more ridiculous, or even ludicrous.”
Kung maaalala naman si Bishop Broderick Pabillo ang hinirang ni Pope Francis bilang Apostolic Administrator of Manila habang wala pang kapalit si Tagle.