Kinumpirma ng Phivolcs na nagkaroon ng minor phreatic eruption sa Taal Main Crater, ngayong Huwebes lamang sa ganap na alas-3:01 at alas-3:13 ng hapon.
Ayon sa ahensya, posibleng masundan pa ito kaya kailangan ng ibayong pagbabantay.
Nanatili sa Alert Level 1 ang bulkan, ibig sabihin ay may bahagyang aktibidad at abnormal na kondisyon ito.
May pagsingaw ito na 2,400 metro ang taas at napadpad sa timog-silangang direksyon.
Sa huling sukat noong Hulyo 15 ay nasa 504 tonelada kada araw ang ibinuga nito, bago ang kanina lamang na phreatic eruption.
May pangmatagalang pag-impis din sa kalakhang Taal Caldera, at panandaliang pamamaga sa timog-silangang bahagi ng Taal Volcano Island.
Bawal pa rin ang pagpasok sa Taal Volcano Island, lalo na sa may Main Crater at Daang Kastila fissures.
Posible pa rin ang biglaang phreatic explosions, volcanic earthquakes, at pagbuga ng nakalalasong gas kaya pinapayuhan ang mga residente ng Batangas na manatili sa bahay.