-- Advertisements --

Na obserbahan ang isang minor phreatomagmatic eruption sa main crater ng Taal Volcano nitong Biyernes ng hapon, Disyembre 26, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ayon sa Phivolcs, nagsimula ang pagsabog bandang alas-4:36 ng hapon at binubuo ng apat na pulses na tumagal ng tig-dalawang minuto bawat isa, batay sa seismic at camera data.

Ayon sa ulat, ang naturang pagsabog ay naglabas ng makapal na usok na umabot sa taas na 600 metro mula sa bunganga, batay sa kuha ng Main Crater IP Camera.

Bagamat itinuturing na minor o maliit ang naturang pagsabog, nananatiling nasa-alert level 1 ang Taal Volcano, kaya’t patuloy na pinaalalahanan ng Phivolcs ang publiko na huwag pumasok sa Permanent Danger Zone (PDZ), partikular na sa main crater at mga kalapit na lugar, dahil sa posibleng biglaang steam-driven o phreatomagmatic eruptions.