Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nagpapahiwatig ng posibleng pagsabog ang nagpapatuloy na naobserbahang tremors sa bulkang Taal ngayong Sabado, Disyembre 6.
Base sa monitoring ng Phivolcs ngayong araw, nakapagtala ang bulkan ng volcanic tremors na nagtagal ng mahigit 13 oras.
Una ng iniulat ni Phivolcs supervising science research specialist Paul Alanis na nagpapatuloy pa rin ang tremors o mga pagyanig sa bulkan.
Inalala ng weather specialist ang ilang pagkakataon nang magtagal nang ilang oras ang tremors na naitala sa bulkan at umabot pa nga ng ilang linggo, na nagpapahiwatig aniya na posibleng mangyari ang pagsabog.
Paliwanag ng ahensiya na ang tremor ay maaaring sanhi ng iba’t ibang proseso sa loob ng bulkan kabilang ang ugong dulot ng magma o magmatic gas na dumadaloy sa pamamagitan ng mga bitak o singawan, magkakasunod na nagsasapawang mahihinang lindol at pagsabog ng magma.
Nananatili pa rin sa Alert Level 1 ang alerto sa bulkan kayat ipinapaalala na ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island o permanent danger zone, lalo na sa main crater at Daang kastila fissures.
Gayundin ang pamamangka sa Taal Lake at pagpapalipad ng mga sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan ay mahigpit na ipinagbabawal.
















