Nakapagtala ng panibagong pagbuga ng abo ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) mula sa crater ng Taal volcano.

Pasado alas-5:00 ng umaga kanina nang maitala ang panibagong paglabas ng makapal na usok na kulay abo.

Nakarinig din ng rumbling sound ang mga residente ng Agoncillo bago naitala ang nasabing development.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Phivolcs Dir. Renato Solidum na bahagi pa rin ito ng pagpapakita ng abnormalidad ng Taal, na nangangahulugang maaari pa rin itong magkaroon ng panibagong mga pagbuga sa mga susunod na araw.

Hindi naman aniya ito hudyat na may kasunod nang major eruption, ngunit hindi rin nila inaalis ang posibilidad ng mas malakas pang pagputok.

Muli namang nagbabala ang Phivolcs head sa mga nagpupumilit na pumasok sa danger zone para puntahan ang kanilang mga bahay, alagang hayop at mga pananim, dahil aktibo pa rin aniya ang abnormalidad ng Taal.

Nababahala si Solidum na mangyari ang panibagong pagsabog habang may mga tao sa mga bayang malapit sa gilid ng island volcano.

“Yan nga ang sinasabi natin, anytime pwedeng mangyari. Baka ma-timing na nandun sila at mapahamak,” wika ni Solidum.