-- Advertisements --

Ibinunyag ng Department of Justice na posibleng mayroong kaugnayan ang naganap na ‘war on drugs’ sa kaso ng pagkawala ng mga biktimang sabungero.

Ito mismo ang kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa naganap na pulong balitaan ngayong araw kung saan kanyang sinabi ang hinggil rito.

Ayon kasi sa naturang kalihim, kanilang nakitaan ng konekyson ang pagkakaaresto ng ilang suspek na sangkot sa ilegal na droga sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Sa gumugulong raw kasing imbestigasyon, kanilang nadiskubre ito at natuklasang may pagkakaugnay ang mga dalawang naarestong suspek sa Meycauayan, Bulacan.

Ngunit aminado si Justice Secretary Remulla na mayroong problema sa naturang kaso sapagkat aniya’y nagkaroon ng recantation sa ilang indibidwal na nakausap umano ng kagawaran.

“Mayroon kasing ano yan, nagkaroon ng intersection ng mga kasong ito. In a arrest made … in Meycauayan where drug suspects who were arrested were also intertwined with the E-Sabong,” ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.

“Meron talagang nagkaroon ng isang incident na napagtagpi namin napagdikit namin yung dalawang kaso na yan,” dagdag pa ni Secretary Jesus Crispin Remulla ng DOJ.

Dagdag pa rito, isiniwalat din ni Justice Secretary Remulla na pati ang ‘death squad’ sa ‘war on drugs’ ay nakikitaan ng koneksyon sa umano’y naganap na pagpatay sa mga nawawalang sabungero.

Kanyang ibinahagi na ito ang isa sa kanilang mga nakikitang anggulo sa imbestigasyon sapagkat ang ilang indibidwal raw na sangkot sa pagpatay sa drug war ay kaparehong dawit rin sa pagpatay ng mga sabungero.

‘I think that the death squads might intersect more on the death squads who undertake the contractual killings may intersect somehow with the drug war and with the E-Sabong’, ani Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Paglilinaw ng naturang kalihim na kanila pa itong pinag-aaralaang maigi upang mapatunayan at tumindig ang nadiskubreng pagkakaugnay ng ‘war on drugs’ at pagkawala ng mga sabungero.

Habang sa kasalukuyan naman ay nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyong pinangungunahan ng Department of Justice na layong maresolba ang naturang kaso.

Ikinasa na rin ang ‘search and retrieval operations’ sa bahagi ng Taal lake nang sa gayon ay makakalap ng tiyak na mga ebidensyang magagamit sa ‘case buildup’ ng naturang kagawaran.