Tatlong low pressure areas (LPA) ang kasalukuyang binabantayan ng state weather bureau, dalawa sa labas at isa sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Batay sa weather forecast ng weather bureau nitong araw ng Huwebes, ang isang LPA sa loob ng PAR ay may mababang tsansa na maging bagyo sa loob ng susunod na 24 oras. Huli itong namataan sa layong 790 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes.
Samantala, isang LPA sa labas ng PAR, ay may katamtamang posibilidad na maging tropical cyclone sa parehong panahon. Namataan ito sa layong 475 kilometro hilaga-kanluran ng Itbayat, Batanes.
Habang ang ikatlong LPA, na nasa layong 2,070 kilometro silangan ng extreme Northern Luzon, ay mababa rin ang tsansang maging bagyo sa loob ng 24 oras.
Patuloy ding nakaaapekto ang southwest monsoon o habagat sa malaking bahagi ng bansa. Inaasahang makararanas ng paminsan-minsang pag-ulan ang Metro Manila, Batanes, Babuyan Islands, Zambales, Bataan, Cavite, Occidental Mindoro, at Antique.