Target ng Department of Education (DepEd) sa Negros Oriental na mapakain ang nasa 34,465 na mga mag-aaral sa ilalim ng school-based feeding program para sa school year 2025-2026.
Ayon sa DepEd saklaw ng program ang lahat ng kindergarden at mga non-graded learners, kabilang ang mga batang nasa special education (SPED).
Sa mga nakaraang taon, ang programa ay nakatuon sa mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 6 na tinukoy bilang “wasted” at “severely wasted” o yaong mga kulang sa timbang base sa kanilang height.
Nasa P112 million ang inilaan ng DepEd para sa nasabing feeding program.
Noong nakaraang school year, 22,000 sa kabuuang 179,000 mag-aaral sa lalawigan ang nakinabang sa programa.
Samantala, iniulat ni Provincial Health Officer na bumaba na sa 9.2% ang stunting rate ng lalawigan, mas mababa kumpara sa pambansang average na 30% habang ang wasting rate ay nasa 2.3% at underweight rate ay nasa 4.9%.
Batay sa datos ng Provincial Health Office, ang Guihulngan City ang may pinakamataas na kaso ng underweight at stunted na mga bata, habang nangunguna ang bayan ng Mabinay sa kaso ng wasting.