Arestado na ang suspek sa karumaldumal na pamamaril sa dalawang security guard sa loob ng isang car dealership sa Commonwealth Avenue, Quezon City, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Kinumpirma ito mismo ni NCRPO spokesperson Police Major Hazel Asilo, na nagsabing isa ring security guard ang suspek at katrabaho ng mga biktima.
Batay sa impormasyong inilabas ng pulisya, nag-ugat ang pamamaril dahil umano sa pambubully ng mga biktima sa suspek.
Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV), makikita ang insidente kung saan malapitang pinagbabaril ng suspek ang mga biktima habang natutulog ang mga ito sa loob ng kanilang pinagtatrabahuhang gusali bandang alas-2 ng madaling araw, bisperas ng Pasko.
Samantala, lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na may nilapitan pang ibang personalidad ang suspek at nag-alok na tulungan siya sa pagpatay sa dalawang kapwa security guard. Hindi umano ito pinansin ng naturang mga personalidad dahil inakala nilang nagbibiro lamang siya.
















