Patuloy ang matinding banta sa buhay at ari-arian sa hilagang bahagi ng Hilagang Luzon habang dumaraan nang napakalapit sa Babuyan Islands ang mata ng Super Typhoon Nando.
Ayon sa pinakahuling datos mula sa Aparri Doppler Weather Radar, ang mata ng bagyo ay nasa baybayin ng Babuyan Islands, partikular sa Calayan, Cagayan.
Taglay ng bagyo ang pinakamalakas na hangin na umaabot sa 215 kilometro kada oras malapit sa gitna, at bugso ng hangin na umaabot sa 295 kilometro kada oras. May central pressure itong 910 hPa at kumikilos pa-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Narito ang mga lugar na nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signals:
Signal No. 5 – Babuyan Islands
Signal No. 4 – Katimugang bahagi ng Batanes (Basco, Mahatao, Ivana, Uyugan, Sabtang), hilagang bahagi ng mainland Cagayan (Santa Ana, Claveria, Aparri, Gonzaga, atbp.), at hilagang bahagi ng Ilocos Norte (Pagudpud, Burgos, Bangui, Dumalneg, Adams).
Signal No. 3 – Natitirang bahagi ng Batanes, gitnang bahagi ng mainland Cagayan, hilaga at gitnang bahagi ng Apayao, at natitirang bahagi ng Ilocos Norte.
Signal No. 2 – Natitirang bahagi ng Cagayan, Isabela, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, hilagang bahagi ng Benguet, hilagang-silangang bahagi ng Nueva Vizcaya, Ilocos Sur, at hilagang bahagi ng La Union.
Signal No. 1 – Quirino, natitirang bahagi ng Nueva Vizcaya, Benguet, La Union, Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Bulacan, Tarlac, Pampanga, Zambales, at hilagang bahagi ng Quezon kabilang ang Polillo Islands.
Pinapayuhan ang lahat ng residente sa mga apektadong lugar na maghanda, manatiling alerto, at makinig sa mga abiso mula sa PAGASA at lokal na pamahalaan. Maging handa sa posibleng paglikas, pagtaas ng tubig, at pagkawala ng kuryente.