-- Advertisements --

Wala pang inisyung redo notice mula sa International Criminal Police Organization (Interpol) laban kay dating Congressman Zaldy Co, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).

Giit ni NBI Director Lito Magno, lagpas na sa kontrol ng kawanihan ang pag-isyu ng red notice at tanging ang interpol ang nagpapasya ukol dito dahil sila ang nagpo-proseso at nagsusuri sa request

Subalit, kahit na wala aniyang Interpol red notice, patuloy ang manhunt operation at intelligence work ng NBI para matunton ang dating mambabatas, kabilang ang kaniyang huling lokasyon at pag-monitor sa kaniyang posibleng safe houses.

Biniberipika rin ng NBI ang impormasyon kaugnay sa properties na konektado kay Co gaya ng kaniyang bahay, business address at iba pang lugar kung saan siya posibleng nanatili o may operasyon. Nakikipag-ugnayan din ang NBI sa kanilang foreign counterparts sa pamamagitan ng official channels.

Habang inaantay naman ang posibleng red notice, sinabi ng NBI na pinapaigting nito ang kanilang search operations sa bansa at pagberipika sa asset na makapagtuturo sa kinaroroonan ni Co at makakalap na rin ng ebidensiya may kinalaman sa kaso.

Ginawa ng NBI Director ang pahayag matapos himukin ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang kawanihan na magpadala ng high-level delegation sa headquarters ng Interpol para i-follow up ang kanilang request para sa red notice laban kay Co.